Monday, June 15, 2009

mixed media

sa wakas. nakasulat na ako. ano ang mangyayari kapag idol mo
sina sir egay, kael, ayer at brandz?

mixed media. hahaha. parang artwork lang.




Heto Ang Isang Tulang Nagwawakas sa Langit



Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Naaalala

Mo ba? Noong mga bata tayo

Pilit kong tinanong sa iyo.

Ewan. Paliparin mo na lang

Itong saranggola
.
Alam mo,
Ginusto kong baybayin

Sa aking isip

Ang haba ng pisi

Na hawak ko ngunit napakalawak

Pala ng langit naisip ko:

Kapag namatay ako, doon
Ako pupunta.
Napatingala ka

At nakita mong nakasabit

Ang iyong saranggola

Doon sa kawad ng kuryente at ilaw

Poste. Binato mo ako noon

Ng sisi. Magmula noon

Ay hindi na tayo muling nag-usap

Tungkol sa langit, lupa, at mga ulap.


Huwag nating pag-usapan ang kamatayan.

Paborito kong linya ng isang tula.

Sabihin ko kaya ito sa 'yo mamaya?

Sanay na akong magsalita

Sa isip habang nakasakay

Sa bus. Patawad

Kung wala akong dalang bulaklak,

Wala naman talaga akong balak

Umuwi sa San Roque kung hindi ko pa

Nalaman ang balita.


Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Marahil tinatanong din

Ito ngayon ng iyong ina

Sa harap ng iyong labi.

Habang umiiyak siya

Ay may biglang dumapo sa aking labi

Na isang paruparo.

Mamaya, susundan ko ito.

Kahit na alam ko,

Hindi naman nito mararating

Ang langit.

2 comments:

rachel marra said...

huwaw. maaaring himay-himayin. :P

(buti ka pa nakapagsulat na, ako parating pa lang dun haha)

EJ said...

escapism ko yan. ang dami
kasing trabaho. hehe.

ang hirap ng maraming ginagawa
at inaalala. minsan mas ok
na matulog na lang. haha.

 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari