Friday, February 13, 2009

isa na namang pagsakay sa tren

Lakarin mula Santolan hanggang Cubao? Tinawanan mo ako, sabay turo
sa itaas ng mga poste ng ilaw, sa sementado't bakal na daang humahati sa
mausok na kalangitan,
kaya nga merong tren. Ngunit alam mo, gusto ko lang
patagalin ang oras, kasingtagal ng panahong hindi tayo nagkita, higit na mas
matagal sa katahimikang babalot sa ating dalawa sa loob ng tren bago ko pa
sabihin ang salitang kumusta. Sa totoo lang, hindi sapat ang sampung
minuto sa dami ng nais kong sabihin at itanong sa iyo, kung may nagpatibok
na ba ulit ng iyong puso, kung hindi ka pa ba nagsasawa sa paglalakbay sa
lungsod, o kung hindi ka pa ba iniligaw nito. Sa totoo lang, bago pa matapos
ang tulang iniisip ko ay magbubukas na ang pinto ng tren, magpapaalam ka ng

hanggang dito na lang ako
, mabilis na makikisiksik sa mga nagmamadaling
tao. Maiiwan akong nakatingin sa bintana, darating ang kasalubong na tren
at unti-unti ka nitong buburahin.

Sunday, February 8, 2009

naligaw ako minsan sa lungsod at narinig ang usapan ng taumbayan

isang daang metro lamang ang pagitan
ng bangin at kamatayan
ang
nasa isip niya ay tumalon
ang kanyang ina ama kapatid nobya
hindi
na niya muling ma






*******
teka, astig 'tong video kasi makikita mo

Thursday, February 5, 2009

sa kaibigang matagal ko nang hindi nakikita

Kung sawa ka nang maligaw sa lungsod, tumingala ka. Nangangalahating buwan,
patay-sinding ilaw-poste, umaandap-andap na neon, bituing bumubutas sa madilim
na kalangitan. Baka ituro ka nila doon,

papunta sa silid ng binata, na sa pangambang malimutan ang panaginip,
isinulat sa isang kuwaderno ang lahat ng maalala. Isang kuwento ang kanyang binubuo,
tungkol sa isang tinig na naglalaho. Ngunit hindi niya ito matapos-tapos.

Tumingala ka, ang sabi sa isang billboard ng pananampalataya. Sa bituin nakaukit ang
mga naglalahong panaginip. Pagmasdan mo kung paano ito lumilipad patungo
sa kalawakan. Hindi ka ba nagtataka kung bakit madalas tingalain ng mga sawimpalad
ang mga tala?
Ang lahat ay nawawala sa lungsod. Wala kang dapat sisihin

kundi ang bituin. Alam mo, hindi na matatapos ang kuwento ng binata.
Kung sawa ka nang maligaw sa lungsod, tumingala ka. Dahan-
dahang ipikit ang mga mata at iyong makikita.

 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari