Nasa sinapupunan pa lang ako ni Mama e, magulo na raw sa Pilipinas. Panahon daw ‘yon ng patayan at dilim. Madilim kasi patay lahat ng ilaw, brownout dito, brownout doon, palagi na lang daw may brownout, dagdagan pa ng mga protesta, karahasan at rebelyon. Dalawang buwan bago ako ipinanganak, sa Pasay pa kami nakatira, lumindol nang malakas sa Luzon. Marami raw ang namatay lalong lalo na sa Baguio. Malakas daw talaga ‘yong lindol sabi ni Papa, kaya dinaan niya na lang daw sa biro si Mama para ‘wag matakot, sabay hawak sa tiyan niya at alog dito at biglang sabi ng “nalilindol ka baby?” 5x. Hindi ko na talaga maalala kung naramdaman ko rin ba ‘yong malakas na lindol noon, o kung si Papa lang ba ‘yon habang inaalog niya ‘yong tiyan ni Mama, pero natitiyak kong may brownout talaga noon sa sinapupunan ni Mama.
2.
Setyembre 9, 1990 - Una kong nasilayan ang mundo. Hindi ko na maalala kung maliwanag ba noon o hindi, basta malaki raw ang pasasalamat nila Mama at Papa dahil wala raw brownout sa ospital. Kasalukuyang bumabawi naman ang Pilipinas noon mula sa lindol na naganap noong nakalipas na dalawang buwan. Kung marunong na akong magbasa ng diyaryo sa mga panahong iyon, ito ang headline na mababasa ko: Bush and Gorbachev Open Talks today; Iraqi Invasion tops Agenda. Hindi lang pala sa Pilipinas magulo noon dahil sa Gulf War. Si Cory naman, tiniyak na ligtas ang mga Pinoy sa Jordan, Kuwait, at Iraq, at sinabing maayos din ang lahat kagaya ng kanyang pangakong maayos din lahat ng mga problema sa brownout at mga rebelyon.
3.
Setyembre 10, 1990 – Hindi ko pa alam kung ano ang pangalan ko, o kung ano ‘yong mga tunog na nariring ko sa paligid ko, o kung sino sa mga mukhang nakikita ko si Papa at si Mama. Hindi ko pa rin alam na ni-raid ang AFP Armory ng mga rebelde ni Honasan nang mismong araw na ‘yon at nakikigulo sa bansa ang Communist Party of the Philippines, at medyo marami na palang sakit sa ulo itong si Cory noon, na sana natapos na lang at hindi na nadagdagan pa ng iba pang mga rebelde, ‘yan tuloy sumakit din ang mga ulo ng mga sumunod sa kanyang presidente. At nasa kolehiyo na ako ngayon nang malaman kong kahit noong panahon niya, laganap na pala ang katiwalian at pandaraya, ang polusyon, at kahirapan, kaya ngayon napapaisip na lang ako kung tama bang kasalanan lamang ni Gloria ang lahat-lahat, kaya ngayon napapaisip ako kung sino ba ang dapat kong iboto sa 2010.
4.
Disyembre 20, 1990 – Bininyagan ako sa simbahan. Hindi ko pa noon alam na ‘pag binigyan mo ng pangalan ang isang bagay o tao o santo, binibigyang kahulugan mo rin siya. Sinabi ng pari: Emmanuel John –galing sa Bibliya ‘yong Emmanuel at John. Hindi ko nga alam kung ano ba ang talagang pumasok sa utak ng mga magulang ko at ito ang naging pangalan ko. Ayaw ko na rin silang tanungin, kaya gagawa na lang ako ng dahilan mula sa sariling pananaw ko. At ito ang naisip ko: Dahil nga ang taong 1990 ay panahon ng kadiliman at karahasan, malamang na maghahanap ang tao ng pag-asa at liwanag, oo, medyo baduy pakinggan pero ganyan naman talaga ang tao hindi ba, na sa panahon ng kagipitan saka lang makaaalala sa Diyos at saka lang mananampalataya. Sa tingin ko, ayaw ng mga magulang kong isiping malas ako at isa akong tiyanak, at magdadala ako ng sakuna sa aming pamilya dahil nga samu’t samot na kaguluhan ang sumulpot nang ipagbuntis ako ni Mama. Kaya naman walang magawa noon sila Mama at Papa kundi maniwala na lang na magiging mapayapa ang lahat kapag pinangalanan ako ng isang pangalang galing sa Bibliya, na walang darating na anumang trahedya, na magiging maayos ang buhay namin, na ngayon ay kailangang paniwalaan ko na lang din.