"The task of poetry
is to never run out of words"
- The Doomed, Mikael Co
Hindi sa pangungulila nagmumula ang tula.
Kaya ngayon, aking hinahanap
Ang mga tulang bigo, hindi ko matandaan
Kung saan naisuksok o naitapon;
Saan ako nagkamali? Naitanong mo na rin ito
Noong napag-usapan natin ang hangganan
Ng mga pangako, naaalala ko kung paano mo
Inilahad sa akin ang iyong puso
na bigong-bigo; kung paano ako nahirapan
Na umapuhap ng salita sa alangaang.
Paano ka mauubusan ng salita?
Paulit-ulit kong naririnig ang iyong tinig
Habang isinusulat itong kabiguan nating dalawa.
Alam mo, gusto kong magtagumpay
Itong tula. Liparin sa hangin ang bawat linya
Hakutin lahat ng mabibigat na bagahe nitong naninikip
Na dibdib, tangayin ang bawat hinanakit sa lungsod
Patungo sa kalawakang hindi natin maaabot.
Gusto kong mabasa mo ito at isumpa
Ang lahat ng salitang nakalatag dito sa papel,
Iyong sunugin hanggang sa tuluyang maglaho,
Tulad ng isang bituing unti-unting nagiging abo.
Nang sa gayon wala kang mabalikan,
Nang sa gayon manatili akong naghahanap.