Thursday, September 30, 2010

I.
Tandaan mo mapanganib ang lungsod para sa ating dalawa. Mapanganib ito tuwing gabi dahil nagbabago ang lahat ng inakala nating alam na -ang bangketa, kalsada, mga sasakyan, mga bato sa daan, ilaw-poste, ang kulay ng kalangitan, mga billboard, karatula ng mga tindahan at restoran, mga bahay-aliwan, ang palengke, ang simbahan. Kaya hangga't maaari huwag tayong sabay na umuwi. Dahil sa dalawang pusong nagsisintahan tanging damdamin lamang ang nasusunod. Hindi tayo makalilingon sa pinanggalingan. Tayo ay tatawid sa maling tawiran. Hindi tayo makapag-iisip ng landas pabalik. Mawawala tayong dalawa at magiging iba ang paningin natin sa mga bagay na akala natin ay maganda. Hindi na tayo mabibighani sa lungsod tuwing gabi. Hihigpitan natin ang kapit sa isa't isa subalit sa huli'y lalamunin tayo at iluluwa ng mga pasikut-sikot na kalsada. Magigising tayong hindi kilala ang isa't isa. Hindi na makababalik pa. Ito ang parusa ng lungsod sa atin. Dahil pinipilit nating maging masaya. Dahil gusto nating angkinin ang lungsod. At dahil takot tayong mawala ang maraming bagay na lumilipas.

II.
Sinadya ang lungsod para sa pag-iisa.
 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari