Saturday, January 23, 2010

Nakakatakot yun


hindi ko na maalala kung tuesday o thursday ba yun, pero ngayong week lang nangyari. kakatapos lang ng philosophy class ko sa bellarmine, papunta ako sa xavier hall. tapos nakita kita, papunta naman sa bellarmine. napatigil ako sandali. ang sweet ninyo, may h.h.w.w. pa kayong nalalaman. pero teka teka, sa isip ko: ano tong nakikita ko, may boyfriend ka na pala? bakit ngayon ko lang nalaman. ang loser ko. tonight i can write the saddest lines. ngayong gabi kaya kong magbitiw ng bitter words. tulang naisulat matapos ayain ang isang kaibigang lumabas at mabigong muli. tulang naisulat matapos itapon ang isa na namang tula ng paglimot. tulang naisulat matapos itapon ang isa na namang tula ng pangungulila. pakiramdam ko kaya kong tumula ng pagkadami-raming tula tungkol sa pangungulila at kamatayan. ito na yun. may quota ang pag-ibig. hindi ako kasama. ganito siguro yung pakiramdam ng mga emo pag sinasabi nila na hindi sila maintindihan ng mundo, na mas masakit yung inner pain na nararamdaman nila kaysa sa physical pain kaya nila gustong maglaslas convention. naisip ko, kinabukasan magsusuot ako ng black shirt at magiging die hard fan ako ng chicosci dahil sila lang ang makakaintindi sa nararanasan kong suffering ngayon. tapos idedelete ko lahat ng text messages mo, dahil i have to move on and start a new life. a new, emo, low habitus life. sana panaginip lang to, pero nakikita ko kayo ng boyfriend mong kalbo. magkakasalubong pa tayo. palapit kayo ng palapit sa akin. 5 seconds, 4, 3, 2... tapos, pagkatapos nun, saka ko lang narealize. hindi ikaw yun. kamukha mo lang pala sa malayo. kasi malabo ang mata ko, parang pag-ibig.



Disyembre

Minumulto ng hangin ang mga dahon
sa labas at ako sa loob ng kuwarto
habang nag-aaral. Kung bakit ako napatingin
sa kisame kung saan makikita ang mga bituin
na istiker, hindi ko alam. Marahil tinatawag mo ako
kaya ko naisipang dumungaw sa bintana. Tumingala
kayo, sabi sa balita, ika-10:30 ng gabi, makakakita
ng mga bulalakaw.  Pagkalipas ng isang oras,

sumuko ako at kumuha ng isang basong tubig
para sa nanunuyong lalamunan. Nakatingala ka
rin ba kanina? -ang mga salitang nasa isip ko
habang naglalakad pabalik sa kuwarto.
Naririnig ko ang sariling sinasabi ito,
at sinasabi ng sarili kong naririnig ko ito.

Nang itanong ko ito sa aking ama, walang imik
lamang siyang nanonood –magiging maulan
bukas kaya magdala ng payong ang payo ng
PAGASA. Hindi na ako umaasang
totoo palagi ang mga sinasabi sa balita.

Nang lapitan ko ang alagang aso,
lumuhod ako at ibinulong sa kanya:
Nakatingala ka rin ba kanina? Marahil totoo,
nakaaamoy ang aso ng takot, pati ng lungkot.
Papatayin ko na ang ilaw.

Ngunit muli akong bumangon.
Itatanong ko muna ito
sa  larawan mo
bago ako matulog.
 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari