Saturday, January 23, 2010

Disyembre

Minumulto ng hangin ang mga dahon
sa labas at ako sa loob ng kuwarto
habang nag-aaral. Kung bakit ako napatingin
sa kisame kung saan makikita ang mga bituin
na istiker, hindi ko alam. Marahil tinatawag mo ako
kaya ko naisipang dumungaw sa bintana. Tumingala
kayo, sabi sa balita, ika-10:30 ng gabi, makakakita
ng mga bulalakaw.  Pagkalipas ng isang oras,

sumuko ako at kumuha ng isang basong tubig
para sa nanunuyong lalamunan. Nakatingala ka
rin ba kanina? -ang mga salitang nasa isip ko
habang naglalakad pabalik sa kuwarto.
Naririnig ko ang sariling sinasabi ito,
at sinasabi ng sarili kong naririnig ko ito.

Nang itanong ko ito sa aking ama, walang imik
lamang siyang nanonood –magiging maulan
bukas kaya magdala ng payong ang payo ng
PAGASA. Hindi na ako umaasang
totoo palagi ang mga sinasabi sa balita.

Nang lapitan ko ang alagang aso,
lumuhod ako at ibinulong sa kanya:
Nakatingala ka rin ba kanina? Marahil totoo,
nakaaamoy ang aso ng takot, pati ng lungkot.
Papatayin ko na ang ilaw.

Ngunit muli akong bumangon.
Itatanong ko muna ito
sa  larawan mo
bago ako matulog.

0 comments:

 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari