Monday, July 27, 2009

paano ka mauubusan ng salita?

1.
kasi meron akong kuwento. matagal ko na tong gusto ikuwento yun nga lang hindi ko magawa kasi marami akong ginagawa. mahirap na. alam mo yun, mahirap pag tambak ang trabaho, mahirap maging bossing, mahirap maging estudyante at mag-aaral (hindi nga ako makapag-aral nang maayos), mahirap ang ginagabi palagi ng uwi. kalaban ko palagi ang oras. siyempre pati pagod. sanayan lang naman yan. teka, meron akong oras ngayon.

2.
alam mo matagal ko na tong gustong ikuwento. yun nga lang hindi ko magawa kasi hindi ko matapus-tapos yung kuwento ko. nabibitin kasi palagi. alam mo yun. nangyari na rin ba sa 'yo? nakasakay ka sa jeep, sa gabi tapos traffic. wala kang magawa kundi mag-isip ng kung anu-ano. sa dami ng naiisip mo parang gusto mong kausapin yung katabi mo at makipagkuwentuhan. pero hindi mo naman magawa. kaya hahayaan mo na lang. kaso pagdating mo sa bahay, wala na. nabura na. naubusan ka na ng salita.

3.
meron akong gustong ikuwento. kaso may panahon ka ba para makinig?

4.
hindi naman tayo madalas magkita sa campus. siguro ginagabi ka rin ng uwi, siguro madami kang trabaho. o kaya busy ka lang sa pag-aaral. mahirap na rin ngayon. madaming distractions. text. internet. tama naman di ba? alam mo may sinabi yung philo prof ko, darating ang araw na hindi na tayo mag-ooffline. napaisip ako. tama naman di ba? sa panahon ngayon ng hypertext at ng iba pang internet chorva, para bang commodity na lang ang pakikipag-usap. hindi na raw tayo mauubusan ng salita.theoretically speaking yan ha.

5.
kung ganoon ang usapan, ikaw, kailan ka pa naubusan ng salita?

6.
kasi meron akong kuwento. Di ko na ito maalala, kaibigan, ngunit nadarama ko pa rin.

Monday, July 20, 2009

five words

nitong nakaraang sabado, nagkaroon ng formalist talk sa poetry at fiction ang Heights, kasama ng Haranya mula sa UA&P. At bilang bahagi ng program, naghanda kami ng isang munting writing exercise para sa mga dumalo. kailangang bumuo ng tula mula sa limang salita:

Dati Katha Lubos Bagabag Paglagi

Dehins ko na ginamit yung ibang salita diyan noong nag-revise ako.

Nga pala, napapansin ko kung paano ako tumula, mga simpleng salita lang ang gamit. Ewan, kailangan ko bang palalimin yung vocabulary ko para makatula?


Tulang Nagwawakas Sa Hindi Natapos Dahil Ginabi Na Naman Ako


Noong minsang gabihin ako
at iyong masumbatan sa kuwarto
ako nagkulong at pilit na tumula
tungkol sa patay-
sinding ilaw-
poste sa tapat ng bintana

ngunit aking napag-isip-
isip hindi pala ako makatula

maliban kung sakay ng jeep
sa gabi
palagi akong binabagabag
ng bilis
ng mga pangyayari

ang mga alaala nag-uunahan
naggigitgitan sa aking gunita
nagsasalpukan
ang mga ilaw
ng sasakyan
ang bituin at buwan
sa kalawakan
ng mga salita sa tulang aking kinakatha
habang nakaupo sa isang sulok
nagmamasid sa paligid nagtataka
kung meron ding nagmamakata
na katabi

ngunit gaya ng ilang sasakyang nasiraan
sa daan laging maiiwan
na nakatirik
ang mga linya
sa aking isip tila naghihintay
na maisapapel
pagdating sa bahay ito

ang pasalubong ko sa iyo
isang tula
hindi natapos
dahil ginabi na naman ako.

Friday, July 17, 2009

laging umuulan sa maulang kapuluan

binasa ko ulit yung libro na hiniram ko kay mike, bago ko isauli sa kanya bukas. naisip ko lang i-post dito yung isa sa mga nagustuhan ko. wasak yung koleksiyon na to. mula sa Magdaragat ng Pag-ibig at Iba Pang Tula ng Pagnanasa - Reuel Molina Aguila



Ikaw Na Ba 'Yan?


Maulan ang mga buwang ito.
Nagnanaknak ang mga lubak
Na kalyeng binaha;
Buhol na trapiko
At mga di makauwing pasahero.
Nag-iisa sa dami ng tao,
Nanginginig sa lamig at dilim,
Naunang nakasakay sa panimdim
Ang aking gunita
Pauwi sa tahanan ng mga alaala.

Walang ulan noon at nakapayong ka
Sa init ng araw ako'y nasilaw
Sa pag-iisa mo.
Ay, kay laon ko nang hinintay
Ang araw na ito
Gaya sa paulit-ulit na panaginip:
Isang dilag na marilag
Ngunit walang mukha
May hawak na payong
Gayong hindi umuulan.
Nagkamukha ang panaginip.
Ikaw na ba 'yan?
Ang gusto kong idulog sa iyo.
Ngunit pinaghiwalay tayo
Ng dagsa ng tao at sasakyan.

Makailang ulit man akong magbalik
Sa lugar na ito, sa parehong oras
Wala, wala ang dilag
Wala ang payong
Wala ang mukha ng panaginip.
Ngunit lagi akong naririto
Sa init ng parehong lugar at oras
At ngayo'y nangangaligkig.
Nais kong mahiga sa malamig
Na bangketa ng pagnanasa;
Matulog at managinip.
Upang kahit doo'y makitang muli
Ang dilag na nakapayong
Kahit walang mukha.

At idudulog ko:
Ikaw na ba 'yan?
At isasagot mo:
Ako na nga ito.

Thursday, July 2, 2009

overlooking

Sumulong Highway, Antipolo:
susunod kong proyekto.







galing dito ang larawan.
 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari