Friday, July 17, 2009

laging umuulan sa maulang kapuluan

binasa ko ulit yung libro na hiniram ko kay mike, bago ko isauli sa kanya bukas. naisip ko lang i-post dito yung isa sa mga nagustuhan ko. wasak yung koleksiyon na to. mula sa Magdaragat ng Pag-ibig at Iba Pang Tula ng Pagnanasa - Reuel Molina Aguila



Ikaw Na Ba 'Yan?


Maulan ang mga buwang ito.
Nagnanaknak ang mga lubak
Na kalyeng binaha;
Buhol na trapiko
At mga di makauwing pasahero.
Nag-iisa sa dami ng tao,
Nanginginig sa lamig at dilim,
Naunang nakasakay sa panimdim
Ang aking gunita
Pauwi sa tahanan ng mga alaala.

Walang ulan noon at nakapayong ka
Sa init ng araw ako'y nasilaw
Sa pag-iisa mo.
Ay, kay laon ko nang hinintay
Ang araw na ito
Gaya sa paulit-ulit na panaginip:
Isang dilag na marilag
Ngunit walang mukha
May hawak na payong
Gayong hindi umuulan.
Nagkamukha ang panaginip.
Ikaw na ba 'yan?
Ang gusto kong idulog sa iyo.
Ngunit pinaghiwalay tayo
Ng dagsa ng tao at sasakyan.

Makailang ulit man akong magbalik
Sa lugar na ito, sa parehong oras
Wala, wala ang dilag
Wala ang payong
Wala ang mukha ng panaginip.
Ngunit lagi akong naririto
Sa init ng parehong lugar at oras
At ngayo'y nangangaligkig.
Nais kong mahiga sa malamig
Na bangketa ng pagnanasa;
Matulog at managinip.
Upang kahit doo'y makitang muli
Ang dilag na nakapayong
Kahit walang mukha.

At idudulog ko:
Ikaw na ba 'yan?
At isasagot mo:
Ako na nga ito.

0 comments:

 

Copyright 2007 ID Media Inc, All Right Reserved. Crafted by Nurudin Jauhari