I.
Dumating ang aking pinangangambahan
kasabay ng balita ng pag-alis mo bukas.
Napakalawak ng Maynila,
hindi tulad dito. Malaya
nating napupuntahan ang gubat. Magkahawak-kamay
tayo sa bawat huni ng ibon, sa katahimikan
ng mga puno, humahanga sa mundo ng mga ligaw
na sampagita, gumamela, paruparo, at puso.
Ingat ka. Patawad, sadyang hindi ko alam
ang salitang paalam. Tanggapin mo ito:
liham, litrato, tula, luha.
Hindi ka sana mawala.
II.
Ang ibig kong sabihin,
mag-ingat ka sa pag-alis ko.
Mag-iingat ka sa gubat kung saan tayo
dating naglalaro. Naghahabulan,
nagkukuwentuhan, at kapag napagod,
ating susundan ang mga bato
na inihulog sa daan, palatandaan
upang ligtas kitang maiuwi sa inyo.
Alam kong mahal natin ang gubat, kahit hindi
ko pa noon alam ang ibig sabihin ng mahal kita,
at hindi ko sana ito natuklasan pa. Hindi sana
tayo ngayon magkakalayo.
Itatapon ko sa daan mamaya itong bagahe:
liham, litrato, tula, luha.
Ituro sana sa akin ng mga ito
ang landas pabalik sa iyo.
On Kerima Lorena Tariman’s Luisita: Mga Tula
-
Read at the launch of Kerima Lorena Tariman’s Luisita: Mga Tula (UMA
Pilipinas, 2022) Also available here:
https://www.bulatlat.com/2022/11/21/tugon-sa-lui...
1 year ago
0 comments:
Post a Comment