Gusto kong sabihing nahihirapan akong pumikit.
Isang madaling araw, nagising ako sa pagkalunod
sa aking mga panaginip. Ilang gabi na rin akong binabagabag
ng mga salitang: pagitan, hangganan, at kamatayan.
Ilang gabi na rin kitang iniisip
habang umiihip ang hangin, ibinubulong nito sa akin
ang isang linya ng pangungulila.
Hindi ka sana mawala. Gaano katagal
na ba akong wala? Hindi pa rin ako mapalagay
sa tuwing naglalakbay sa lungsod
at nakakakita ng mga magkasintahan,
magkayakap, magkawahak-kamay.
Ngayon, naiisip kita, kayakap
ang iba at wala akong magawa
kundi alalahanin ang dating pagsasama.
Patawad, sadyang hindi ko alam
ang salitang paalam. At hindi ko rin alam
kung bakit mabigat sa dibdib
ang pagdilat, pati ang pagpikit. Madilim.
Ngayon, naiisip kita, heto ako sa isang sulok ng bus,
kapiling ang mga taong hindi ko naman kakilala.
Gumagabi na dito sa lungsod at kailangan ko nang umuwi,
hinihintay na ako ng aking kwarto.
Mamaya, bubuksan ko ang bintana.
Hihiga. Ipipikit ko ang mga pagal na mata.
(sunod sa Liham sa Kababata)
On Kerima Lorena Tariman’s Luisita: Mga Tula
-
Read at the launch of Kerima Lorena Tariman’s Luisita: Mga Tula (UMA
Pilipinas, 2022) Also available here:
https://www.bulatlat.com/2022/11/21/tugon-sa-lui...
1 year ago
0 comments:
Post a Comment